Kinikilala ng DOST-PHIVOLCS ang pangangailangang linawin ang mga impormasyong inilabas namin. Inaasahan namin na matugunan ang inyong mga pag-aalala ukol sa mga inilabas na PHIVOLCS Earthquake Information ngayong 22 Abril 2020 na tumalakay sa mga lindol sa Mabini, Batangas.
Ano ang nangyayari sa Mabini, Batangas, Balayan Bay at mga kalapit na lugar?
Isang serye ng dalawampu’t tatlong (23) lindol ang naganap sa Mabini, Batangas at mga kalapit na lugar sa Balayan Bay na may magnitude range na MS1.2 – MS3.7 ang naitala ng Philippine Seismic Network (PSN) ngayon (22 Abril 2020) mula pa ng 10:31 ng umaga. Ang pinakamalakas ay naganap noong 11:19 ng umaga at naramdaman ng Intensity III sa Mabini at Bauan, Intensity II sa Taal at San Nicolas at Intensity I sa Lemery at Agoncillo, Lalawigan ng Batangas.
Ang mga lindol na ito ay nangyari sa loob ng 10 kilometro sa timog na gawi ng magmatic dike na siyang naghatid ng magma sa Main Crater ng Bulkang Taal noong pagsabog ng Enero 2020. Ang mga lindol na ito ay volcano-tectonic na may kaugnayan sa pagsasaayos (re-adjustment) ng bato sa paligid ng magmatic dike matapos ang pasabog (post-eruptive crustal re-adjustment). Ang paliwanag na ito ay suportado ng kasalukuyang GPS monitoring ng mga pagbabago (deformation) dulot ng magmatic dike na nagpapakita ng pangkalahatang pagbaba o paghupa ng kalupaan (general subsidence) sa Pansipit River Valley simula pa noong Pebrero 2020. Isang mas masusing pagpapaliwanag sa mga nangyayari sa Mabini, Batangas ay aming ibibigay matapos ang ginagawang pagsusuri gamit ang mga Remote Sensing Data.
Ano ang tectonic, volcanic at volcano-tectonic na lindol?
- Ang tectonic earthquakes ay dulot ng biglaang paggalaw ng faults at plate boundaries.
- Ang volcanic earthquakes ay dulot ng paggalaw ng magma o magmatic fluids o pagbibitak ng mga bato (rock-fracturing) sa ilalim ng bulkan.
- Ang volcano-tectonic (VT) earthquakes ay isang uri ng volcanic earthquake na may kaugnayan sa pagbabasag ng mga bato sa faults at fractures sa ilalim ng isang aktibong bulkan (tignan ang reference sa ibaba). Ito ay katulad na mekanismo sa paglikha ng tectonic earthquakes subalit ang pinag-uugatan (root cause) nito ay magkaiba. Ang VT earthquakes ay karaniwang nagsisimula sa matinding init at pressure mula sa magmatic body sa ilalim ng bulkan o maaring dulot ng pagbabago (adjustment) ng crust sa paligid ng magmatic body. Samantalang ang tectonic earthquakes ay nagsisimula sa pangkalahatang paggalaw ng tectonic plates (regional tectonic plate motion).
Bakit nagkaroon ng pagbabago sa DOST-PHIVOLCS Earthquake Information?
Sa pasimula, ang mga lindol sa Mabini, Calaca at Lemery, Batangas ay naiulat ng DOST-PHIVOLCS Earthquake Information batay sa mga data mula sa Philippine Seismic Network (PSN) bilang tectonic dahil sa pagkakalapit ng mga ito sa lindol na nangyari noong 08 Abril 2017 M6.0 sa Mabini, Batangas. Sa patuloy na pagsusuri gamit ang mga data mula sa Taal Volcano Network (TVN), ang mga lindol na ito ay napag-alamang volcano-tectonic (VT) earthquakes, ang episentro ay nasa paligid ng Mabini at pinalitan ng “volcanic” sa mga updated DOST-PHIVOLCS Earthquake Information. Binago rin ang magnitude ng mga lindol at ni-report na ML2.9- ML4.6 ((ML o local magnitude) sa mga updated Earthquake Information batay sa mga data mula sa TVN. Natural lamang ang pagkakaiba nito sa MS o surface magnitude na ginagamit ng PSN.
Kinikilala ng DOST-PHIVOLCS ang pangangailangang linawin ang mga ganitong impormasyon ukol sa mga lindol sa Mabini at ang pangangailangang malaman ang pagkaka-iba ng volcano-tectonic earthquakes sa ibang mga uri ng volcanic earthquakes na may direktang kaugnayan sa paggalaw ng magma o magmatic fluids. Kaugnay nito, ang VT earthquakes ay uuriin na bilang “volcano-tectonic” sa halip na “volcanic” upang maiwasan ang pagkalito ng publiko. Ang mga inuring lindol na volcano-tectonic ay hindi dapat agad na i-interpret o bigyan ng kahulugan bilang pagbabago sa kalagayan ng magma o magmatic unrest. Sa halip, ito ay may kaugnayan sa pang-araw-araw na seismic activity ng Bulkang Taal na aming ipinapaliwanag sa Taal Volcano Bulletin na inilalabas tuwing 8:00 ng umaga araw-araw. Patuloy ang pagpapalabas ng Earthquake Information na may VT earthquakes upang bigyan ng tamang impormasyon ang komunidad na naapektuhan nito lalo na kung ito ay naramdaman.
References:
[1] Zobin, V., 2003. Introduction to Volcanic Seismology First Edition. Developments in Volcanology, Volume 6. Elsevier Science.
[2] Chouet, B.A., Matoza, R.S., 2013. A multi-decadal view of seismic methods for detecting precursors of magma movement and eruption. J. Volcanol. Geotherm. Res. 252, 108–175.
[3] McNutt, S.R., 2005. Volcanic seismology. Annu. Rev. Earth Planet. Sci. 33, 461–491.
[Download Primer here]