Pinababatid sa lahat ang pagtaas ng alerto ng Bulkang Pinatubo mula Alert Level 0 (Tahimik) patungong Alert Level 1 (May Bahagyang Pagligalig).
Magmula nang ika-20 ng Enero 2021, ang Pinatubo Volcano Network o PVN ay nakapagtala ng isang libo’t pitong daan at dalawampu’t dalawang (1,722) mahihinang lindol sa ilalim ng Bulkang Pinatubo. Ang unang kumpol ng lindol na naganap noong ika-20 hanggang ika-26 ng Enero ay pumatak sa Sacobia Lineament sa lalim na 15-28 kilometro at lakas na ML1.0-ML2.5. Ito ay nasundan ng isa pang kumpol ng mga lindol na nasa hilaga-hilagang kanluran at timog-timog silangan ng bulkan at may lalim na 15-25 kilometro, bagama’t ang iilan ay mababaw at pumapatak sa magkabilang dulo ng kumpol na ito. Ang mga lindol ng pangalawang kumpol ay may lakas na ML0.5-ML2.8. Lahat ng naitalang lindol sa ngayon ay nilikha ng pagbitak ng bato sa ilalim ng bulkan. Nasukat rin mula sa lawa ng Pinatubo Crater nitong Pebrero ang kabuuang CO2 flux na 378 tonelada kada araw. Ito ay hindi nalalayo sa mga nakalap nang pangkaraniwang sukat na mababa pa sa 1,000 tonelada kada araw na tinatayang background level sa nakalipas na dekada. May nasukat na bahagyang pagtaas ng init sa mga minamatyagang fumaroles o singawan ng gas dito ngunit walang pagbabago sa iba pang katangian tulad ng acidity (pH).
Bunsod ng paulit-ulit na paglindol, ang DOST-PHIVOLCS ay nagtataas ng alerto sa Bulkang Pinatubo mula Alert Level 0 patungong Alert Level 1. Ito ay nangangahulugang mayroong bahagyang pagligalig na maaring dulot ng tectonic na kaganapan sa ilalim ng bulkan at hindi naman namamataan ang pagputok nito sa nalalapit na panahon. Mangyari lamang na ang pagpasok sa Pinatubo Crater ay patawan ng matinding pag-iingat at iwasan na lamang hangga’t maaari. Ang mga pamayanan at lokal na pamahalaan sa paligid ng Pinatubo ay pinaaalahanan na laging maging handa laban sa mga panganib ng lindol at pagputok ng bulkan at muling suriin, ihanda at pagtibayin ang kanilang contingency, emergency at iba pang planong paghahanda laban sa sakuna. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na pinapagtibay ang pagmamanman ng bulkan sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga himpilan sa PVN at may dalas na geochemical survey ng Pinatubo Crater, pati na rin ng pagmamanman ng ground deformation gamit ang satellite data. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Pinatubo at ang anumang pagbabago ay agarang ipararating sa lahat ng mga kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS